Ebanghelyo: Mt 13: 18-23
Makinig kayo ngayon sa talinhaga ng maghahasik. Pag may nakakarinig sa salita ng Kaharian ngunit hindi naman niya inuunawa, dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ito ang butong nahulog sa tabi ng daan. Ang buto namang nahulog sa batuhan ay para sa taong nakarinig sa salita at kaagad itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanyang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa salita, agad-agad siyang natitisod. Ang butong nahulog sa mga tinikan ang nakarinig sa salita ngunit sinikil ito ng mga makamundong kabalisahan at ng pandaraya ng kayamanan, at hindi nakapagbunga ang salita. Ang buto namang nahasik sa matabang lupa ang nakakarinig sa salita at umuunawa rito; nagbubunga siya at nagbibigay ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”
Pagninilay
Sa talinghaga ng maghahasi k na ipinahayag ni Jesus, nais ng Diyos na ang pakikinig sa Salita ng Diyos ay makapag-alab ng puso, isip, kaluluwa at buong kalooban ng tao, upang ito ay mamunga at maging paraan ng pagbabago ng sarili at ng lipunan. Nais ng Diyos na tayo ay maging matabang lupa na kung saan ang Salita Niya ay mananatiling buhay at may kapangyarihang magbago sa makasalanang kalagayan ng tao. Nawa ay maging gaya tayo ng mga magulang ng Mahal na Birheng Maria, na nakapagpalaki ng isang babaeng bukas-loob na sumang-ayon sa plano ng Diyos na maging ina ng ating tagapagligtas. Gabayan nawa tayo ng Banal na Espiritu upang tanggapin natin at maging interesado tayong makinig at isabuhay ang Salita ng Diyos at anumang pagsubok at makamundong pagkabalisa ay hindi maging hadlang sa ating pagtalima sa Kalooban ng ating Diyos Ama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





