Ebanghelyo: Mt 13: 24-30
Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga. “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis Nang tumubo ang mga tanim at nagsimulang mamunga ng butil, naglitawan din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi: ‘Ginoo, di ba’t mabubuting buto ang inihasik mo sa iyong bukid, saan galing ang mga damo?’ Sinagot niya sila: ‘Gawa ito ng kaaway.’ At tinanong naman nila siya: ‘Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?’ Sinabi niya sa kanila: ‘Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo e mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin muna ninyo ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.”
Pagninilay
sa sa mga hindi kanaisnais na ugali ng maraming Pilipino ay ang tinatawag sa salitang Ingles na, “feeling of entitlement.” Wala sigurong katapat ito na salita sa wikang Filipino, subalit ito ay isang pananaw na “karapatan” ng isang tao ang marangyang uri ng pamumuhay, at hindi kailanman siya karapat-dapat na makaranas ng kakulangan ng ginhawa, o maabala ng mga bagay-bagay sa buhay dahil siya ay pinagpala, magaling, at angat sa iba.
Ganito ang maling ugaling ipinakita ng bayang Israel. Dahil sa templo sa Jerusalem, naniniwala sila na sila ay pinagpala lagi ng presensya ng Diyosa at kailanma’y hindi tatalikuran ni Yahweh. Nagbago ang kanilang ugali at gumawa ng iba’t-ibang uri ng kasalanan na labag sa kalooban ng Diyos sa paniniwalang sa pagsamba nila sa templo at pag-alay ng mga hayop sa altar ay patatawarin palagi sila ng Diyos. Hindi na nila binigyang-pansin ang pagsunod sa Salita at Kalooban ng Diyos at ang kanilang pagaalay ay naging panlabas na seremonya lamang, at serbisyo lamang sa labi (lip service) ang kanilang pagsamba. Dahil dito nakaranas ang buong bayan ng kawalan ng pagpapala at biyaya ng Diyos sa mahabang panahon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024





