Ebanghelyo: Juan 8:21-30
Sinabi niyang muli sa kanila: “Aalis ako at hahanapin ninyo ako, at sa inyong kasalanan kayo mamamatay. Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon.” Kaya sinabi ng mga Judio: “Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinasabing ‘Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon’?”
At sinabi ni Jesus sa kanila: “Taga-ibaba kayo; taga-itaas naman ako. Taga-mundong ito kayo. Hindi ako taga-mundong ito. Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mamamatay. Sa inyong mga kasalanan nga kayo mamamatay kung hindi kayo maniniwalang Ako Siya.
At sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba?” sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Ba’t pa kaya ako mangungusap sa inyo? Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagpadala sa akin; at ang narinig ko mula sa kanya – ang mga ito ang sinasabi ko sa mundo.”
Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. At sinabi ni Jesus: “Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, maiintindihan ninyong Ako siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili ko kundi ayon sa iniaral sa aking ng Ama – ang mga ito ang aking sinasabi. Kasama ko nga ang nagpadala sa akin at hindi niya ako iniiwang nag-iisa pagkat lagi kong ginagawa ang mga kalugud-lugod sa kanya.”
Habang sinasabi ito ni Jesus, marami ang nanalig sa kanya.
Pagninilay
“Kasama ko nga ang nagpadala sa akin at hindi niya ako iniiwang nag-iisa pagkat lagi kong gonagawa ang mga kalugud-lugod sa kanya.”
Ito ang susi ng buhay-kabanalan na hindi itinago at hindi inilihim ni Jesus. Kataka-taka nga lamang na hindi matutuhan at hindi matukla-san ng mga taga-sunod ni Jesus noong panahon niya at magpasa-hanggang ngayon.
Tinutulungan tayo ng unang pagbasa na panoorin ang bawat eksena ng ating mga pagpapasya. Madalas ay dinadaan natin sa pag-rereklamo ang anumang hindi natin magustuhan sa buhay. Maging sa kumbento o sa tahanan, nakakasira ng araw ang kasamang reklamador. Hindi pa nga nagbabanat ng buto ay may reklamo na agad. Kaya’t nagka-kaiwanan sa buhay mag-asawa at ganun ding kabilis ang paghihiwalay sa seminaryo at kumbento. Napaka-daling magreklamo. Napakahirap magsumikap at magpakatotoo.
Paano natin maaabot ang ka-runungan ng Diyos? Paano nating malalasap ang dalisay niyang pag-mamahal? Paano nating mararating ang kaharian ng Diyos, ng habambu-hay na kaligayahan at walang hang-gang kaluwalhatian? Ang pagre-reklamo ang madalas na hadlang upang matamo ang mga ito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022