Ebanghelyo: Lucas 1:39-56
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t na parito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang hamak na utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
Pagninilay
Ano ang napansin natin sa pagakyat ni Maria sa langit? Una, regalo ito na galing sa Diyos: nang matapos na ang kanyang pamamalagi rito sa mundong ibabaw, hindi hinayaan ng Diyos na maagnas ang kanyang katawan, bagkus iniakyat niya ito sa langit. Ito ang ginawa ng Diyos kay Maria, ano naman ang ginawa ng Diyos para sa’yo? Ano ang dahilan sa tuwing nagagalak ang iyong puso? Pangalawa, isa itong gantimpala: nasasaad sa mga ebanghelyo na hindi madali ang naging buhay ni Maria kaya ang kanyang pag-akyat sa langit ay isang gantimpala sa kanyang mga nagawa. Sa katapusan ng ating buhay, tayo rin ay gagantimpalaan ng Diyos, sapagkat ang bawat mabubuting gawain natin ay makikita ng Diyos at hindi ito kailanman malilimutan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020