Ebanghelyo: Mateo 22:1-14
Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga talinhaga: “Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ipinatawag niya sa mga katulong ang mga imbitado sa kasalan ngunit ayaw nilang dumalo.
Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong para sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: ‘Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan.’ Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. Sinunggaban naman ng iba pa ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay.
Lubhang nagalit ang hari kayat ipinadala niya ang kanyang hukbo para puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. At sinabi niya sa kanyang mga katulong: ‘Handa na ang kasalan ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Pumunta kayo ngayon sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita ninyo.’
Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, at napuno ang kasalan ng mga nasa hapag.
Pagkatapos ay dumating ang hari para tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampiyesta. Kaya sinabi niya sa kanya: ‘Kaibigan, paano ka nakapasok nang walang damit pangkasal?’ Ngunit hindi umimik ang tao. Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga katulong: ‘Igapos ang kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.’ Marami ngang talaga ang tinawag pero kaunti ang pinili.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, ginamit ni Jesus ang talinghaga ng kasala upang ipaunawa sa atin ang kaharian ng langit. Nais ng Ama na imbitahan ang lahat sa kasal ng Anak. Gusto Niyang mapuno ang bulwagan. Kung kaya’t marami Siyang ipinadalang mga tauhan para mag-imbita na dumalo.
Ang tanong: katulad rin ba tayo ng mga taong naanyayahan na hindi pinahalagahan ang imbitasyong dumalo sa kasalan? Ano ba ang mga dahilan para hindi natin pansinin at puntahan ang kasalan? Marami ang tumanggi sa iba’t ibang kadahilanan. Nangangahulugan na hindi sila interesado na makisaya, hindi ito importante para sa kanila.
Ang paanyaya ng Diyos ay nagpapatuloy dito pa lang sa lupa. Kaya nga ang pagdalo natin sa bawat misa ay isang paghahanda at pagpapakita na nais nating makibahagi sa kasiyahan sa Langit. Kaya lang, parang marami ang hindi interesado. Ang tingin ng marami sa Eukaristiya ay hindi mahalaga. Kahit linggo ay nagtatrabaho tayo o kung hindi man ay mas pinipili pa nating mamasyal imbes na magtungo sa tahanan ng Diyos upang makibahagi sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Ganun pa man, ang imbitasyon ay para sa lahat. Hindi kawalan sa Diyos kung hindi tayo dadalo o kaya naman kung hindi Niya tayo papasukin sa loob ng handaan dahil lamang hindi tayo naghanda.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022