Ebanghelyo: Mateo 24:37-44
Katulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa pagdating ng Anak ng Tao. Noong mga araw na iyon bago dumating ang Baha, kumakain at umiinom ang mga tao at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong. Ngunit wala silang alam hanggang dumating ang baha at tinangay silang lahat. Ganoon din sa pagdating ng Anak ng Tao. Sa dalawang lalaking nasa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang isa. Sa dalawang babaeng gumigiling ng trigo, kukunin ang isa at iiwan ang isa. Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. Isipin ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay Siya at hindi Niya pababayaang pasukin ang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat sa oras na hindi ninyo inaasahan darating ang Anak ng Tao.Pagninilay
Naging kakaiba ang paghahanda sa Pasko ng mga komunidad na sakop ng misyon ng mga Claretian Missionaries sa Ormoc dalawang taon na ang nakalilipas. Hulyo ng taong 2017 nang dumating ang hindi inaasahang malakas na lindol. Tila ito isang magnanakaw sa gitna ng gabi na bigla na lang kinuha ang kanilang pag-aari, kabahayan, at maging buhay. Halos hindi pa tuluyang nakakabangon sa hagupit ng bagyong Yolanda, heto’t panibagong pagsubok na naman ang dumating. Sino nga ba naman ang buong-buong makapaghahanda sa pagdating ng isang lindol? Gaya rin ito ng Anak ng Tao na darating sa oras na di inaasahan. Winasak man ng bagyo at lindol ang kanilang bahay at kabuhayan, nanatili naman ang kanilang pag-asa at pananampalataya. Sapat na siguro yon upang sabihing sila’y naging handa.© Copyright Pang Araw-Araw 2019