Ebanghelyo: Lc 10: 21-24
Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud-lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.” Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo, kapansinpansin kung papaanong ang maliliit ay may puwang sa Diyos. Naalala ko ang kasabihan na mahirap punuin ng tubig ang basong puno na, kailangan mo itong bawasan upang punuin muli. Mabuti ang may kaalaman, ngunit kung misan ay nagiging dahilan din ito upang hindi tayo lubos na magtiwala sa Diyos. Iniisip natin na dahil marunong na tayo, alam na natin ang mga bagay-bagay o matalino na tayo, wala na tayong pangangailangan para sa Diyos. Mas kinalulugdan ng Diyos ang taong lubos na may pagtitiwala sa Kanya. Binubuksan ng Diyos ang mga mata at tenga ng mga taong sumasampalataya sa Kanya. Magiging mapapalad tayo kung hahayaan natin ang Diyos na gumalaw sa buhay natin upang makita at marinig ang Kanyang kadakilaan. Hilingin din natin sa Banal Espiritu na pagkalooban tayo ng liwanag upang mas mapalapit tayo kay Jesukristo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024