Ebanghelyo: Marcos 2:18-22
At minsa’y nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo. Kaya may lumapit sa kanya at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”
Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno.
Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit. Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, papuputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”
Pagninilay
Minsan, para bagang tayo ay nawawalan ng gana sa buhay. Isang araw, okay naman tayo. Maayos ang buhay at umaagos ng banayad. Pero bigla na lang tayong daratnan ng walang gana. Mga araw na ayaw nating bumangon. Maliwanag at maganda naman ang panahon, pero parang makulimlim ang nararamdaman natin. Kung dati naiintindihan natin ang mga bagay-bagay, bigla na lang itong naging walang saysay. Ang mga kaibigang dating nagbibigay sigla at suporta, ay hindi na.
Naranasan natin ito at minsan alam natin kung ano ang sanhi. Baka pagod lang talaga tayo o maysakit. Baka may hindi lang nagtutugma ang mga inaasahan mo sa pamilya, kaibigan, o trabaho. Minsan naman, hindi mo rin alam kung ano nga ba ang sanhi. Sa biglaan nitong pagda-ting, bigla rin ito minsan nawawala.
Baka kasi rin minsan, inaan ya-yahan tayo sa isang pagbabago. Baka pilit nating ginagamit ang lumang sisidlan sa bagong alak, kaya naman ito’y hindi na naaayon. O kaya’y, bagong tela sa lumang damit, kung saan hindi na talaga bagay. Kaya naman bigla tayong na-tatameme. Biglang dumilim ang dati nating masiglang mundo. May mga dapat ba akong baguhin sa buhay ko? Ano kayang lumang pag-iisip na hindi na naayon sa aking kalagayan ngayon?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022