Ebanghelyo: Marcos 4:35-41
Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi niya sa kanila: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.” Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaroon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at bale-wala sa iyo!”
Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tahimik, huwag kumibo.” Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot ninyo! Bakit? Wala pa ba kayong paniwala?”
Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”
Pagninilay:
Sinong hindi matatakot sa gitna ng panganib ng paglubog at pagkalunod? Ngunit sa kabila ng malakas na hangin at malalaking alon, ganap na kapayapaan ang hatid ni Jesus na s’yang may kapangyarihan sa lahat ng ito. Iba’t-ibang dagok sa buhay, malalaking problema at malalakas na suliranin sa buhay ang maaari nating kaharapin. Minsan ay mawawalan tayo ng pag-asa, matatakot sa pagkabigo at manghihina sa kawalan ng kakayahang masolusyonan ang lahat ng problema. Minsan pa nga’y pakiramdam natin na tayo’y nag-iisa at walang karamay. Ngunit sa oras ng panganib, ating alalahaning kasama natin si Jesus sa iisang bangka. Alam nya ang lahat ng ating pinagdaraanan sapagkat nandoon siya mismo. Hindi tayo nag-iisa. Bakit tayo mangangamba?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021