Ebanghelyo: Mateo 13:1-23
Nang araw ding iyon, umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. At sinabi ni Jesus: “Lumabas na ang maghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!” Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad at nagtanong: “Bakit sa pamamagitan ng mga talinhaga ka nagsasalita sa kanila?” Sumagot si Jesus: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Langit, ngunit hindi sa kanila. Sapagkat ang meron ay bibigyan pa at sasagana pa siya. Ngunit ang wala ay aagawan pa ng nasa kanya na. Kaya nagsasalita ako sa kanila nang patalinhaga sapagkat tumitingin sila pero walang nakikita, nakaririnig sila pero hindi nakikinig o nakakaunawa. Sa kanila natutupad ang mga salita ni Propeta Isaias: “Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo nakakaunawa; tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo nakakakita. Pinatigas nga ang puso ng mga taong ito. Halos walang naririnig ang kanilang mga tainga at walang nakikita ang kanilang mata. At baka makakita ang kanilang mata at makarinig ang kanilang tainga at makaunawa ang kanilang puso, upang bumalik sila at pagalingin ko sila.” Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig. Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita ninyo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig. Makinig kayo ngayon sa talinhaga ng maghahasik. Pag may nakakarinig sa salita ng Kaharian ngunit hindi naman niya inuunawa, dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ito ang butong nahulog sa tabi ng daan. Ang buto namang nahulog sa batuhan ay para sa taong nakarinig sa salita at kaagad itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanyang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa salita, agadagad siyang natitisod. Ang butong nahulog sa mga tinikan ang nakarinig sa salita ngunit sinikil ito ng mga makamundong kabalisahan at ng pandaraya ng kayamanan, at hindi nakapagbunga ang salita. Ang buto namang nahasik sa matabang lupa ang nakakarinig sa salita at umuunawa rito; nagbubunga siya at nagbibigay ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo, ang iba’t ibang uri ng lupa na tinukoy ni Jesus ay sumisimbolo sa iba’t-ibang pagtanggap sa Salita ng Diyos. Tayo’y tinatawag na maging mabuting lupa na handang tanggapin at isabuhay ang mensahe ng Ebanghelyo. Ang Salita ng Diyos ay nag-aanyaya na labanan natin ang kawalang-katarungan at pagkakapantay-pantay sa lipunan. Ang pagtulong sa ating kapwa, lalo na ang mga dukha at inaapi, ay mahalagang bahagi ng ating pananampalataya. Higit pa rito, sa panahon ng lumalalang krisis sa kalikasan, ang talinghaga ng manghahasik ay nagbubukas ng ating mga mata sa tungkuling alagaan ang ating kapaligiran. Ang lupa ay hindi lamang isang simbolo ng ating mga puso kundi pati na rin ng ating planeta. Kailangang maging mabuting tagapangalaga tayo ng ating mundo, upang ang biyaya ng Diyos ay magpatuloy na dumaloy at magbigay-buhay sa lahat.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





