Ebanghelyo: Mateo 14:1-12
Nang panahong iyon, umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.”
Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya, pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta.
Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang isang pangako na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan. inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina.
At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita ito kay Jesus.
Pagninilay
Ilan na ba ang tao sa buhay natin o kakilala natin ang napahamak nang dahil sa atin? Maganda na mapagnilayan natin ito dahil magpasahanggang ngayon ay marami ang napapahamak nang dahil sa kawalan ng paninindigan sa katotohanan. Si Juan Bautista ay napugutan ng ulo ng isang taong dapat ay nagpapatupad ng katarungan. Subalit siya pa ang naging dahilan ng kapahamakan nito dahil lamang sa kanyang maling desisyon at maling paninindigan.
Panawagan ito sa atin, lalo pa’t ngayon na mga taong nagsusulong na buhayin ulit ang death penalty. Alam naman natin na ang pinakakawawa sa batas na ito ay ang mahihirap. Ang mga walang kakayahang pinansyal na ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Isang bagay na tinututulan natin dahil labag ito sa kautusan ng Diyos. Kaya inaanyayahan tayo na manindigan upang ipagtanggol ang buhay. Marami ang napapahamak nang dahil lamang sa takot na sumaksi sa tama. Isang katapangan ang magsalita ng katotohanan, lalo na kung ang nakapaligid sa atin ay may ibang pinaninindigan. Huwag tayong matakot sa tao. Matakot tayo sa Diyos, na siyang hahatol sa atin pagdating ng panahon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022