Ebanghelyo: Mateo 5:43-48
Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Kaganapan sa ating buhay Kristiyano at bilang isang alagad kung may kakayanan na tayong ibigin ang ating mga kaaway. Paano ba natin ito magagawa? Una, pasukin natin ang mundo ng ating kaaway. Hindi tipikal sa isang tao ang gumawa ng masama maliban na lamang kung siya mismo ay nakaranas na gawan ng masama o masaktan (o nalagyan ang isip ng maling turo). Wika nga nila, “hurt people hurt people” – ang mga nananakit ay ang mga nasaktan din. Marahil, kung magpapakita tayo ng hinahon at pag-unawa sa harap ng kaaway, maaaring maging daan pa ito upang sila ay higit na maliwanagan. Ikalawa, nais ni Jesus na matuto tayong makapagpigil, lalo na sa ating mga damdamin. Hindi dapat emosyon ang laging pinagagana, bagkus ang pairalin ay ang kagustuhan ng Diyos na maipalaganap ang kabutihan. Kung tunay tayong alagad, ang higit na namamayani sa ating puso ay pag-ibig; na maging sa harap ng mga kaaway, ang iisipin pa rin natin ay ang kanilang kabutihan, hindi ang kanilang kapahamakan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





