Ebanghelyo: Lucas 1:57-66, 80
Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan niya kung gaano nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya.
Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos.
Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nagisip- isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya ngang talaga ang kamay ng Panginoon.
Habang lumalaki ang bata, pinatatag siya ng espiritu. Nanirahan siya sa disyerto hanggang sa araw ng kanyang pagkakahayag sa Israel.
Pagninilay
Ang kapanganakan ni San Juan Bautista ay naghihimok sa atin na tulad niya ay maging propeta rin tayo sa ating kasalukuyang panahon. Hindi ito imposible dahil sa ating binyag ay nakiisa tayo sa pagiging propeta ng ating Panginoong Jesucristo. Kinakailangan nating I “switch on” lagi ang ating pagiging propeta. Ito. Ngunit sa ating karanasan ay hindi maiikaila na madalas ay naka “switch off” ito dahil alam natin ang kinahihinatnan ng isang propeta. Siya ay binabatikos, hindi tinatanggap ng mga tao at may pagkakataong nilalayuan pa ng kanyang mga mahal sa buhay. Marami ring nagsumikap maging propeta ngunit kamatayan ang naging dulot nito sa kanila. Si San Juan Bautista ay naging tagapagdala ng katotohanan at naging saksi sa pagiging Diyos ni Jesus. Huwag nawa tayong matakot na pumanig sa katotohanan kahit alam nating nandoon ang panganib. Bilang tagasunod ni Jesucristo, tayo ay inaasahang maging tagapagpatotoo sa Kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021