Ebanghelyo: Mateo 5:17-19
Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigaykaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.
Pagninilay
Kung aalalahanin natin ang mga nakaraang pagbasa, marami sa ginawa ni Jesus ay pawang taliwas sa mga batas ng mga Hudyo. Pinili ni Jesus na magpagaling nang maysakit sa Araw ng Pamamahinga, na ipagtanggol ang mga alagad nang hindi sila nag-aayuno o naghuhugas ng kamay, at tumulong sa nangangailangan kahit siya ay isang Samaritana o taga-Siro-Fonecia. Marami ang pawang hindi Niya sinunod sa batas ng mga Hudyo. Gayunpaman, marami sa tradisyon ng mga Hudyo ang kaniyang pinahahalagahan, ngunit nais niyang panibaguhin o i-renew ang tradisyon ng Israel na huwag palitan ito. Ang saloobin ni Jesus ay nagmumungkahi na hindi natin basta itinatakwil ang ating relihiyosong tradisyon, ngunit hindi rin natin ito dapat panatilihing hindi gumagalaw. Ang simbahan ay palaging nangangailangan ng reporma at pagpapanibago; ang bagong alak ay kailangan ng bagong sisidlan. Kaya nga ang Espiritu Santo ay palaging nangangailangan ng mga bagong sisidlan ng alak. Ang gawaing ito ng pagpapanibago ay palaging may paggalang sa kung ano ang pinakamahusay sa ating tradisyon sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mayamang potensyal nito na ganap na maisakatuparan. Sa kabilang banda, kung mayroong mga ugaling baluktot tulad nang ginagawa ng mga Pariseo na humahadlang sa nasabing reporma at pagpapanibago, dapat naman itong iwaksi.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





