Ebanghelyo: Mateo 1:16, 18-21, 24a (o Lucas 2:41-51a)
Si Jacob ang ama ni Jose – ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo.
Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang Kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na Siya gawa ng Espiritu Santo.
Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang Kanyang asawa. Matuwid nga Siya at ayaw Niya itong mapahiya.
Habang iniisip-isip Niya ito, napakita sa Kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya Siya naglihi, at manganganak Siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat Siya ang magliligtas sa Kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.”
Kaya pagkagising ni Jose, ginawa Niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap Niya ang Kanyang asawa.
Pagninilay
Dalawang larawan ni San Jose ang naging popular nitong mga nakaraang taon. Una ay ang imahen ni San Joseng natutulog. Sa akmang ito ng kanyang pagtulog, nagpakita sa kanya ang Anghel ng Panginoon sa panaginip. Maging sa kanyang pagtulog ay tinanggap niya ang kalooban ng Panginoon. Ang isa pang imahen ay ang kanyang paghawak at pag-aaruga sa sanggol na si Jesus habang ang Birheng Maria naman ay mahimbing na natutulog. Bagama’t hindi lubusang nauunawaan ni Jose ang lahat ng kaganapan ngunit patuloy pa rin siyang sumunod sa kalooban ng Diyos at kanya itong isinakatuparan. Siya ay larawan ng isang amang lubusang tumanggap kay Jesus. Sa atin mang pagtulog o paggising, sa lahat ng ating mga ginagawa, nawa’y palaging masunod ang kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021