Ebanghelyo: Lucas 1:26-38
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen.
Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito.
At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.”
Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang imposible sa Diyos.”
Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Pagninilay
May mga nakasanayan na tayo sa buhay. Halimbawa ang ritwal natin pagkatapos gu mising. Halos hindi na natin iniisip kung ano ang dapat nating gawin, dahil halos dinadala na lang tayo ng ating mga paa. O, hindi kaya ang ruta natin papunta sa trabaho, o ang mga dinadaanan natin. Kahit nga minsan ang mga barkada natin ay may ritwal na sinusunod, pinagkasunduan man natin ito o hindi. Mahalaga ito dahil nagkakaroon tayo ng bagay na per-ma nent o stable sa ating buhay.
Pero paano kaya kung may ba bago sa mga ito? Gagambala at baba guhin ang nakasanayan na? Papayag ba tayong buwagin ang nakasanayan, o titingnan natin at mangangahas na sundin kung saan tayo dadalhin nito? Gayun din siguro ang naramdaman ni Maria noong matanggap niya ang balita galing sa anghel. Gagambalain nito ang mga plano na nakalatag na para sa isang babae sa panahon niya. Dahil sa balitang ito, mailalagay sa kawalang kasiguraduhan ang kanyang buhay. Ngunit sa kabila nitong lahat, pumayag siya. Ipinag-katiwala niya ang kanyang buhay sa Ama. Sana matuto rin tayo sa ipinakita ng Mahal na Birhen. Sana matuto tayong ipagkatiwala sa Diyos ang ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022