Ebanghelyo: Juan 7:1-2, 10, 25-30
Naglibot si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil balak siyang patayin ng mga Judio. Malapit na ang piyesta ng mga Judio, ang piyesta ng mga Kubol. Pagkaahon ng kanyang mga kapatid sa piyesta, umahon din naman siya pero palihim at hindi lantad. Kaya sinabi ng ilang taga-Jerusalem: “Di ba’t ito ang balak nilang patayin? Pero tingnan n’yo’t lantaran siyang nangungusap, at wala silang anumang sinasabi sa kanya. Alam nga kaya ng mga pinuno na siya ang Kristo? Pero alam natin kung saan siya galing. Ngunit pagdating ng Kristo, walang makaaalam kung saan siya galing.” Kaya nang mangaral si Jesus sa Templo, pasigaw niyang sinabi: “Kilala n’yo nga ako at alam n’yo kung saan ako galing! Ngunit hindi ako pumarito sa ganang sarili ko. Ipinadala ako ng Totoo na hindi n’yo kilala. Kilala ko siya pagkat sa kanya ako galing at siya ang nagsugo sa akin.” Balak nilang dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay sapagkat hindi pa sumasapit ang kanyang oras.
Pagninilay
Malapit na ang kamatayan ni Jesus. May mga banta siya. Nagagalit ang mga tao sa kanyang mga salita at galaw. Para sa kanila, talagang gumagawa Siya ng kalapastanganan dahil sa kanyang pag-angkin na siya’y Anak ng Diyos. Alam ng mga tao ang kanyang pagkakakilanlan ngunit hindi nila kinikilala ang presensya ng Diyos sa Kanya. Sa madaling salita, hindi nila nauunawaan ang mga paraan at pagkilos ng Panginoon. Sa ating mundo ngayon, ang mga taong kumakanti sa budhi at nagpapaalala sa mga tao sa kung ano ang tama ay kadalasang ang mga nagdurusa. Gaano karaming mga tao na naninindigan para sa ekolohiya, buhay ng tao at dignidad, at katarungan ay inuusig o pinapatay?Kahit ngayon, hindi kilala ng mundo ang Panginoon. Pinipili ng marami na tanggihan ang Mabuting Balita at ang tawag para sa pagbabago. Sa Panahon ng Kuwaresma, nawa’y magkaroon tayo ng lakas ng loob at hilingin sa Panginoon na pagpalain tayo upang tayo ay manindigan para sa katotohanan at katuwiran maging
sa gitna ng pag-uusig at kamatayan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020