Ebanghelyo: Juan 8:31-42
Kaya sinabi ni Jesus sa mga Judiong nanalig sa kanya: “Kung mamamalagi kayo sa aking salita, totoong mga alagad ko kayo, at maintindihan ninyo ang katotohanan, at palalayain kayo ng katotohanan.”
Sumagot sila sa kanya: “Binhi kami ni Abraham at hinding-hindi kami nag-aalipin kaninuman. Paano mo masasabing ‘Palalayain kayo’?”
Sumagot sa kanila si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na alipin ng kasalanan bawat gumagawa ng kasalanan. Ngunit hindi namamalagi magpakailanman ang alipin sa bahay. Ang anak ang namamalagi magpakailanman. Kaya kung ang Anak ang nagpapalaya sa inyo, totoong magiging malaya kayo.
Alam kong binhi kayo ni Abraham. Ngunit dahil walang lugar sa inyo ang aking salita, hangad n’yo akong patayin. Ang nakita ko sa piling ng Ama ang sinasabi ko, at ang narinig n’yo naman mula sa inyong ama ang inyong ginagawa.”
Kaya sumagot sila at sinabi sa kanya: “Si Abraham ang aming ama.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham, mga gawa sana ni Abraham ang inyong ginagawa. Ngunit ngayon, hangad n’yo akong patayin, na taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Hindi ito gawa ni Abraham. Mga gawa nga ng inyong ginagawa.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Hindi kami mga anak sa labas. Isang ama lamang meron kami – ang Diyos.”
Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung ang Diyos nga ang inyong Ama, mamahalin n’yo sana ako sapagkat sa Diyos ako galing at ngayo’y naparito. Dumating ako hindi sa ganang sarili ko kundi siya ang nagsugo sa akin.
Pagninilay
Patuloy ang pagtatalo ni Jesus at ng mga Hudyo sa templo. Sa ebanghelyo, sentro ng kanilang argumento ang pagiging tapat kay Abraham bilang Ama ng mga Hebreo at ang mga tradisyon ng mga Hudyo. Si Abraham ang larawan ng pananampalataya. Ang pananampalatayang ito ang nagdala sa kanya sa pagiging matuwid at sa mabuting ugnayan sa Diyos. Dahil sa pagtanggi ng mga Hudyo na tanggapin si Jesus, mahirap sa kanila ang maunawaan at maniwala sa kanya bilang Anak ng Diyos at isang Diyos. Dito nabuksan ang pinto ng kaligtasan para sa mga Hentil na handang tumanggap kay Jesus sa kanilang pananampalataya. Ito ang daan upang makabahagi sa Tinapay ng Buhay na si Jesus. Kung nais nating maging anak ni Abraham sa pananampalataya, kinakailangan ang tunay na pagtanggap kay Jesus na Anak ng Diyos. Siya ang katotohanan na magliligtas sa atin mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Siya ang daan patungo sa buhay na walang hanggan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023