Ebanghelyo: Juan 8:1-11
Pumunta naman si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Maaga siyang muli sa Templo, at naglapitan sa kanya ang lahat ng tao, at pagkaupo niya’y, nangaral siya sa kanila. Dinala naman ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo ang isang babaeng huling-huli sa pakikiapid. Pinatayo nila siya sa gitna, at sinabi nila kay Jesus: “Guro, hulinghuli sa akto ang babaeng ito na nakikiapid. Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang ganitong mga babae; ano naman ang sabi mo?” Sinabi nila ito bilang pagsubok sa kanya upang may maiparatang sila sa kanya. Yumuko naman si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Nang magpatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumindig siya at sinabi sa kanila: “Ang walang sala sa inyo ang unang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa. Ang mga nakarinig nama’y isa-isang nag-alisan mula sa matatanda, at naiwan siyang mag-isa pati ang babae na nasa gitna. Tumindig si Jesus, at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan sila? Wala bang humatol sa iyo?” At sinabi niya: “Wala, Panginoon.” Sinabi ni Jesus: “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayo’y, huwag nang magkasala pa.”
Pagninilay
“Humayo ka at huwag kang magkasala.” Inilalahad sa atin ang isang malungkot na sitwasyon. Para kay Jesus, ito’y dobleng kalungkutan. Alam natin ang dahilan kung bakit dinala ng mga pinuno ng mga Judio ang babae kay Jesus; ito ay upang bitagin siya. Ang babae ay hinamak. Wala siyang pangalan; wala siyang dignidad; siya ay isang makasalanan lamang. Nais ng mga lider na gawin ni Jesus ang paghatol. At sa likod ng mga pinuno ay ang galit na mga tao. Ngunit nanahimik si Jesus dahil nadismaya siya sa katigasan ng kanilang mga puso. Maaaring tinatanong niya ang kanyang sarili, kung ano ang naging mali sa mga taong ito? Ang kanyang puso ay totoong malungkot. Oo, ang babae ay nagkasala ayon sa kanilang Batas. Ngunit hindi siya hinahatulan ni Jesus at hindi niya pinawalang-sala ang kanyang mga ginawa. Sa halip, iniimbitahan niya silang tingnan ng
kanilang mga puso ang mga kahinaan ng ibang tao at tuklasin ang kabutihan sa loob nila tulad ng ginawa niya sa babaeng Samaritano sa Juan, kabanata 4. Sa kuwentong ito ni Juan, ang babae ay napalaya. Siya ay nailigtas mula sa pambabato ngunit higit pa rito, siya ay binigyan ng isang pagkakataon upang mabuhay muli.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020