Ebanghelyo: Juan 10:31-42
Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio para batuhin siya. Sinagot sila ni Jesus: “Maraming ma bubuting gawa mula sa Ama ang itinuro ko sa inyo. Dahil sa alin sa mga ito at binabato n’yo ako?” Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan, pagkat gayong tao ka, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Di ba’t nasusulat sa inyong Batas: Sinabi ko, mga diyos kayo? Kaya tinawag na mga diyos ang mga kinakausap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. Kung gayon, bakit n’yo sinasabing lapastangan ako sinasabi kong Anak ako ng Diyos – ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo?
Kung hindi ko tinatrabaho ang mga gawa ng aking Ama, huwag n’yo akong paniwalaan. Kung ginagawa ko naman, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin, paniwalaan ninyo ang mga gawa. Kaya malalaman n’yo na nasa akin ang Ama at ako’y nasa Ama.”
Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin siya ngunit nakatalilis siya sa kanilang kamay. At muli siyang lumayo pakabilang-ibayo ng Jordan sa lugar na pinagbibinyagan ni Juan sa simula. At doon siya namalagi. Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi: “Wala ngang ginawang tanda si Juan pero totoong lahat ang sinabi ni Juan tungkol sa kanya.” At doo’y marami ang nanalig sa kanya.
Pagninilay
Ang mga salita at mapaghimalang gawa ni Jesus ang tanda ng kanyang pagiging Anak ng Diyos at bilang Diyos. Hindi magagawa ng ordinaryong tao ang ginawa niyang mga himala tulad ng pagpapagaling sa mga may sakit at ang pagbuhay kay Lazaro. Ang mga gawang ito ay tumutukoy sa paghahari sa Kaharian ng Diyos. Ganunpaman, hindi pa rin ito tinanggap ng mga Hudyo. Pinaratangan nila si Jesus ng paglapastangan sa Diyos. Nanatiling sarado ang kanilang mga isip at puso sa kabila ng kanilang mga nasaksihan. Ang taong walang pananampalataya, kahit anong patunay na gawin ay hindi pa rin maniniwala. Ito ang karanasan ni Jesus sa mga Hudyo. Pagbalik ni Jesus sa Jordan, sinabihan siya na kahit walang milagrong ginawa si Juan, naniniwala ang mga tao doon sa mga pahayag ni Juan tungkol sa kanya. Naniwala sila sapagkat bukas ang kanilang isip at puso sa pagtanggap sa mensahe ng pagliligtas. Walang pinipili ang kaligtasan ng Diyos. Ito’y ibibigay sa lahat ng may pananampalataya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023