Ebanghelyo: Lucas 1:39-56
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sina pupunan. Pinagpapala ang naniniwalang maga ganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalangalang niya ang abang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.”
Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
Pagninilay
Puno ng galak, lumukso ang sanggol sa sinapupunan ni Isabel sa pagtatagpo nila ni Maria na nagdadalantao sa Anak ng Diyos. Isang matanda at isang dalaga ang pinili upang maganap ang pangako at plano ng Diyos. Buong galak na umawit si Maria at ipinahayag ang katapatan at kabutihan ng Diyos na laging kumikilos sa buhay at kasaysaysan ng kanyang bayan sa Lumang Tipan. Ang kasaysayang ito ay patuloy sa Bagong Tipan kung saan masasaksihan ng sangkatauhan ang larawan ng Diyos sa kanyang bugtong na Anak. Mas naging malapit ang Diyos na di nakikita sa pamamagitan ng kanyang Anak na nagpakatao upang ipahayag ang wagas niyang pagibig sa tao. Isa itong malaking kagalakan at pasasalamat sa kabutihan at awa ng Diyos. Mapalad tayong naging bahagi ng kasaysayan ng pag-ibig at kaligtasan na handog ng Diyos sa atin. Ipagpatuloy natin ang kasaysayang ito at ibahagi ang galak na dala ni Jesus sa sanlibutan. Matagpuan nawa ng iba si Jesus sa ating mga tumanggap sa Kanya sa pananampalataya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023