Ebanghelyo: Lucas 14:25-33
Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Jesus, humarap siya sa kanila at sinabi: “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin. At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Di ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? Sapagkat kung mailagay niya ang pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’ At paano kung may haring makikipagharap sa ibang hari? Di ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipagareglo. Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat ng kanya.
Pagninilay
“Tayo’y tinatawag sa kabanalan.” Tinatawag ng Diyos ang bawat isa sa atin sa iba’t ibang uri ng bokasyon, tulad ng buhay pag-aasawa, buhay relihiyoso, at ang pagiging single-blessed. Bagaman mayroong pagkakaibaiba, iisa lamang ang sentro nito – tayo ay tinatawag sa kabanalan. Bahagi ng pagpapakabanal ay ang paglimot sa sarili at pagtanggap ng mga sakripisyo, isang hamon na hindi natin kayang gawin nang mag-isa, kundi sa tulong ng biyaya ng Diyos. Ang hamon ng pagpapakabuti at pagpapakabanal ay nangangahulugan ng pagtalikod sa sarili at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi natin kayang mapabuti ang ating sarili batay sa sariling lakas at kagalingan, sapagkat lahat ng ito ay mula sa Diyos. Kung kaya nga, sa ating pagsusumikap na tupdin ang kalooban ng Diyos, hindi ang ating sariling kabutihan at kabanalan ang nababanaagan kundi ang kabutihan at kabanalan ng Diyos na nagbabahagi ng mga ito sa atin. Ito ay bahagi ng pagiging isang Kristiyano – ang maging
instrumento upang maipakita sa mundo ang kabanalan, pag-ibig at kadakilaan ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2025





