Ebanghelyo: Lucas 17:26-37
Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nagaasawa ang mga lalaki at mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang Baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao.
Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang Kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Ang sinumang magsikap na magligtas ng sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay.
Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.” At itinanong naman nila: “Saan, Panginoon?” Sumagot siya. “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”
Pagninilay
Madalas nating naririnig sa mga ebanghelyo na darating ang Anak ng Tao at dapat tayong maging handa. Gaano ba tayo kaseryoso sa pagtugon sa paanyaya sa atin ni Jesus? Kung tayo nga ay totoong seryoso, anong uri ng paghahanda ang ginagawa natin? Ayon sa ebanghelyo ngayon, “ang mga tao noong panahon ni Noe ay kumain at uminom at nag-asawa. Ano ang mali rito? Hindi ba ito’y isang normal na proseso? Ang pagkain at pag-inom, at pag-aasawa upang dumami ang salinlahi? Ang kanilang pinakamalaking pagkakamali ay nakalimutan na nila ang Panginoon, at namayani ang kanilang makamundong interes, at “naging laganap ang kanilang kasamaan” (Gen. 6:5). Sa panahon ngayon, may mga bagay na nakauubos ng oras ng tao, gaya ng “mga gadget” o ng mga cellular phone at iba pa. Ang internet kung hindi gagamitin ng tama ay tila instrumento ng “kaaway” upang ibaling ang atensyon natin sa dimakabuluhang mga bagay. Tunay na mali ito at maaari pang magdala sa atin sa kapahamakan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021