Ebanghelyo: Lucas 10:1-12
Pagkatapos nito, humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’ Saanmang bayan kayo pumasok at di nila kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga liwasan nito at inyong sabihin: ‘Pati na alikabok mula sa inyong bayan na kumapit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin sa inyo. Gayunman, alamin ninyong palapit na ang kaharian ng Diyos.’ Sinasabi ko sa inyo na magaan pa ang sasapitin ng mga taga- Sodom kaysa bayang iyon sa dakilang Araw.
Pagninilay
Sabi ng mga matatanda, mas madaling makaakit ng langaw ang isang kutsarang pulot kaysa isang bariles na suka. Sa pangangaral, mas matindi ang kapangyarihan ng isang mabuting gawa kaysa maraming salita. Wika nga ni San Francisco de Asis: “Humayo ka at ipangaral ang ebanghelyo. Gumamit lang ng mga salita kung kinakailangan.” Nang isugo ni Jesus ang Pitumpu’t Dalawa para mangaral, pinagbilinan Niya silang huwag magdala ng anuman. Isang kaabalahan lang sa misyon ang maraming bagahe. Kung mayroon man silang dapat dalhin, ito ay ang Mabuting Balita na mababanaag sa kanilang buhay. Sa harap ng hamon ng lipunang kapos sa pananalig, ito ang tanging ‘credential’ na maaari nilang panghawakan. Ito ang misyon nating mga Kristiyano sa ating panahon. “The best criticism of the bad is the practice of the better” (Richard Rohr). Sinusugo tayong parang mga maamong tupa sa gitna ng mababangis na asong-gubat. Mapagtatagumpayan natin ang kasamaan kapag ito ay malalantad sa liwanag ng kabutihan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





