Ebanghelyo: Lucas 10:38-42
Sa kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.”
Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”
Pagninilay
Para kay Marta mas mahalaga ang ginagawa niyang pagaasikaso kay Jesus kaya nais niya na iwanan ni Maria ang pakikinig kay Jesus at tulungan siya. Tama ang ginagawa ni Marta. Si Jesus ay bisita kaya dapat na paglingkuran. Hindi naman siya pinatigil ni Jesus. Pero para kay Jesus mayroon pang mas mahalaga na dapat gawin: ang pakikinig sa kanyang pagpapahayag ng Salita ng Diyos, na siya namang ginagawa ni Maria.
Bakit nga ba mas mahalaga ang pakikinig sa Salita ng Diyos? Sapagkat ito ang gagabay sa atin kung ano ang mga tunay na mahalaga. Gumagawa tayo ayon sa ating pansariling kaalaman o kaalaman ng iba. Nasasayang tuloy ang ating lakas, salapi at panahon kung sa bandang huli ay napagtatanto natin na kung hindi mali ang ating ginawa ay mayroong mas mabuti pa. Napipilitan tuloy tayong ulitin ito. Pwede namang magtanong sa Diyos. Sa pakikinig sa Salita ng Diyos nalalaman natin ang kanyang kalooban tungkol sa ating buhay at sa mga bagay pagkat Siya ang may gawa ng lahat. Makinig, magbasa ng Salita ng Diyos, liwanag ng Espiritu Santo at humingi ng lakas upang ito ay maisakatuparan. Ito ang tamang paraan. At magpasalamat pagkatapos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022