Ebanghelyo: Lc 10: 25-37*
May tumindig na isang guro ng Batas para subukin si Jesus. Sinabi niya: “Guro, ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?“ Sumagot sa kanya si Jesus: “Ano ba ang nasusulat sa Batas, (…) Sumagot ang guro ng Batas: “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa (…) At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.“ Noo’y sinabi ni Jesus sa kanya: “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.“ Pero gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Jesus: “At sino naman ang aking kapwa?“ Sinagot siya ni Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. (…) Pero may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kayat lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa sarili niyang hayop at dinala sa isang bahaypanuluyan at inalagaan. (…)
Pagninilay
Nakasulat na ang paraan upang tayo ay makapasok sa Tahanan ng Diyos. Ito ay sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Sa simpleng pananalita kapag tayo ay nakakagawa ng mabuti, naipamamalas natin ang pagsunod sa utos ng Diyos. Ngunit kailangan din nating tanungin kung bakit ba tayo sumusunod sa kanya o gumagawa ng kabutihan? Ito ba ay para lang kaluguran tayo ng Diyos upang tingnan Niya tayo ng may ngiti at pagtatangi dahil sa tinupad natin ang Kanyang utos? O ginagawa natin ito upang tayo ay mapuri ng iba? Tulad ng tagpo sa ebanghelyo, sa pagitan ni Jesus at ng guro, tila sa pangangatuwiran ng guro ay mas nangibabaw paghahangad na mapuri ang kanyang sarili at mahangaan ng ibang tao, at hindi para sa pagpupuri ng kadakilaan ng Diyos. Ang paggawa ng kabutihan ay marapat na nakatuon sa Diyos at para sa Diyos lamang.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024