Ebanghelyo: Lucas 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay rito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga- Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating Siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon at dito’y may mas dakila pa kay Solomon.
Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalikloob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.
Pagninilay
“Narito ang mas dakila pa kaysa kay Jonas,” ito ang katotohan sa sinabi ni Jesus. “Tinawag niya ang mga tao na masama sa kanyang panahon. Kung nagbago at nahikayat ni Jonas ang mga tao sa pamamagitan ng kanya salita, kakaiba ang mga tao sa panahon ni Jesus, sila ay naghahanap ng mga palatandaan. Hindi ba dapat maniwala lamang ang mga tao kay Jesus sapagkat siya ang katuparan ng Lumang Tipan (Lucas 24:27) at ang kabuuan ng paghahayag ng Diyos, (Heb. 1:1-3)? Kaya ang paghahanap ng mga palatandaan ay nangangahulugan ng kawalan ng pananampalataya ng mga tao. Nararapat na maging sapat na dapat para sa atin na maniwala kay Jesus na nagbigay ng lahat upang tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Nawa’y maghari si Jesus sa ating buhay upang hindi tayo maghanap ng ibang pang tanda.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021