Ebanghelyo: Lucas 11:47-54
Sawimpalad kayong nagtatayo ng mga puntod sa mga propetang pinatay ng inyong mga ama. Sa gayon ninyo inaamin at sinasang-ayunan ang mga ginawa ng inyong mga ama; iniligpit nila ang mga propeta, at makapagtatayo na kayo ngayon. (Sinabi rin ng Karunungan ng Diyos:) Nagsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol ngunit uusigin nila at papatayin ang ilan sa kanila. Kayat papapanagutin ang salinlahing ito sa dugo ng lahat ng propeta, sa dugong nabuhos mula pa sa pagkatatag ng mundo, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na nasawi sa pagitan ng altar at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, papapanagutin ang salinlahing ito. Sawimpalad kayong mga guro ng Batas na umagaw sa susi ng kaalaman. Hindi na kayo pumasok at hinadlangan pa ninyo ang mga makapapasok.” Pagkatapos ay umalis si Jesus at sinimulan naman ng mga guro ng Batas at mga Pariseo na mahigpit na makipagtalo sa kanya. Pinapagsalita nila siya tungkol sa maraming bagay at pilit na sinisilo sa anumang sinasabi niya.
Pagninilay
Ang mga bantayog ay pag-aalaala sa kadakilaan ng mga bayani at martir. Sagrado ang mga pook na ito. Binabantayan at pinangangalagaan. Ang sirain at bastusin ang mga bantayog ay isang paglapastangan sa simulaing kanilang ipinaglaban. Subalit mayroong mas masahol na anyo ng kalapastanganan sa alaala ng mga bayani at martir. Ito ay ang kaplastikan: kapag nagbibigaypugay tayo sa kanilang mga monumento subalit taliwas naman ang ating ginagawa sa kanilang mga adhikain at iniwang halimbawa. Mag-alay man tayo ng maraming bulaklak sa bantayog ng mga bayani, kung tayo naman ay taksil at nagnanakaw sa kaban ng bayan, hindi totoo ang ating pagpaparangal. Magpagawa man tayo ng sanlibong imahen ng mga Santo, kung taliwas naman ang ating pamumuhay sa iniwan nilang mga aral, huwad ang ating pagpaparangal. Higit pa sa buhay ang mga pagpapahalagang ipinagtanggol ng mga bayani at martir. Dapat silang parangalan, hindi lang ng mga seremonyas at rituwal, kundi ng ating tapat na pamumuhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





