Ebanghelyo: Lucas 12:49-53
Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang di ito nagaganap! Sa akala ba ninyo’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Sapagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa isang sambahayan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila: ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”
Pagninilay
Si Jesús ay tinaguriang Prinsipe ng Kapayapaan (Isaías 9:6) at kapayapaan din ang binigkas niya sa kanyang mga alagad (Jn. 14:27). Ngunit paano natin mauunawaan ang mensahe ng ebanghelyo ngayon na nagsasabi ng salungat? Una sa lahat, hindi nais ni Jesús ang dibisyon. Ang pagpapahayag sa katotohanang ng Mabuting Balita na si Jesús ay ang hinihintay nating Mesiyas ang naging ugat ng maraming hidwaan mula pa sa panahon ng mga Judio hanggang ngayon. Nakakalungkot mang sabihin, maging sa Simbahan natin ay maraming mga di pagkakaunawaan at hidwaan. Gayunpaman, sikapin nating ipalaganap ang Mabuting Balita sa harap ng mga pagbatikos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020