Ebanghelyo: Lucas 13:1-9
Dumating naman ang ilang tao na nagbalita kay Jesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga- Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa akala ba ninyo’y mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyon kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat. Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: hindi, pero kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.”
At sinabi ni Jesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta siya para maghanap ng mga bunga pero wala siyang nakita. Kaya sinabi niya sa nag-aalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo iyan at pampasikip lang sa lupa.’ Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na siya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga siya ngunit kung hindi’y saka mo siya putulin.”
Pagninilay
Kapag may mga trahedya o mga sakuna, agad nating sinasabi na ang mga iyon ay mga parusa mula sa Panginoon dahil sa ating mga kasalanan. Ang iba naman ay nagsasabi na dapat nating tanggapin ito sapagkat ito ang kalooban ng nasa Taas. Pero ano ang sinabi ni Jesus? Nagbibigay siya ng dalawang halimbawa, yaong mga pinatay ni Pilato at yaong mga pinatumba sa Tore ng Shiloh at lahat ay namatay. Tanong ni Jesus, “mas makasalanan ba sila kaysa sa iba dahil nangyari iyon sa kanila?” Tandaan natin na nagbigay ng malaking babala na dapat silang magsisi, kung hindi sila makikinig, iyon ang tatapos sa kanila. Tuwing umaga nagigising tayo na may isang panibagong pagkakataon para mabuhay tayo sa pag-ibig. Maging inspirasyon sana nating umibig, ang gumawa ng mabuti at iwasan ang kasalanan. Ito ay tunay na pagbabago na nagmumula sa ating sarili.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021