Ebanghelyo: Marcos 7:24-30
Pagkaalis sa lugar na iyon, lumayo si Jesus patungo sa hangganan ng tiro. Pumasok siya roon sa isang bahay at kahit na ayaw niya itong malaman ninuman, hindi ito nalihim. May isang babaeng nakabalita tungkol sa kanya. Inaalihan ng maruming espiritu ang kanyang dalagita kaya pumunta siya at nagpatirapa sa kanyang paanan. Isa siyang paganong taga Sirofencia. At ipinakiusap niya kay Jesus na palayasin ang demonyo sa kanyang anak.
Sinabi naman ni Jesus sa kanya: “Bayaan mo munang mabusog ang mga anak. Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Sumagot ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain ng mga tuta sa ilalim ng mesa ang mga nalalaglag mula sa mga bata.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil sa sinabi mong ito, lumabas na sa iyong anak na babae ang demonyo.” Kaya umuwi ang babae at nakita niya ang bata na nakahiga sa kama; lumabas na nga ang demonyo.
Pagninilay
Hindi maganda ang relasyon sa pagitan ng mga Hudyo at mga Hentil. Mababa ang pagtingin ng mga Hudyo sa mga Hentil dahil sa kanilang kultura at tradisyon na ayon sa mga Hudyo ay marumi kung kaya’t hinahalintulad sila sa mga aso. Dahil dito’y hindi madali para sa babaeng Hentil na lumapit kay Jesus na isang Hudyo, upang humiling na pagalingin ang anak na inaalihan ng demonyo. Sa unang tingin ay tila isang insulto ang tugon ni Jesus sa babae ngunit sa malalim na pagtingin, isa itong hamon sa kanyang pananampalataya. Mapagpakumbabang tugon ng babae, “kinakain ng mga tuta sa ilalim ng mesa ang mga nalalaglag mula sa mga bata.” Dahil sa pananampalatayang ito, agad na napaalis ang demonyo sa kanyang anak. Hindi na kinailangang puntahan ni Jesus ang anak sa kanilang bahay. May mga pagkakataon sa buhay na iniisip nating hindi tayo karapatdapat na lumapit sa Panginoon dahil sa ating mga kasalanan at pagkukulang. Ngunit isang bagay lamang ang kailangan sa pagtawag sa Panginoon, ang ating pananampalataya. Lumalapit tayo kay Jesus sapagkat nakikinig siya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023