Ebanghelyo: Mt 6: 7-15
Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi. Kaya, ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama
Pagninilay
Marahil ang “Ama namin” ang pinakamagandang panalangin sapagka’t si Jesus mismo ang nagturo nito. Aniya, ito ang akmang paraan ng pananalangin. Nauna rito’y sinabi niyang sa pagdarasal ay huwag tayong gumamit ng napakaraming salita. Kaunting mga salita lamang ang “Ama namin ngunit kaylalim ng kahulugan. “Mapasaamin ang kaharian mo.” Akala ng iba ay inaangkin natin ang kaharian. Hindi po. Unanguna, hindi naman kalupaan ang ibig sabihin ng salitang Griego “basileia” kundi paghahari. “Pagharian mo kami” ang angkop na pagsasalin ng “Your kingdom come.” Hinihiling natin sa Ama na maghari siya at magdulot ng kapayapaan sa ating buhay. “Sundin ang loob mo.” Ang salitang Griego “genetheto” ay pagsunod sa kalooban ng Diyos na may kahirapan. Hindi nga naman madaling magpailalim sa kalooban ng iba. Gayunman ay sumusunod tayo sapagkat alam ng Diyos ang makabubuti sa atin. Hindi niya tayo gustong pahirapan kundi akayin tayo sa daan ng kabutihan at kaligtasan. Ang pagsunod natin sa kanyang kalooban ay para sa ating
ikababanal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024