Ebanghelyo: Mt 5: 43-48
Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Walang taong perpekto. Tama nga naman ‘yon. Nang sabihin ni Jesus na “Be perfect,” hindi ito kaganapang tinutukoy ng mga pilosopo. Hindi rin ito ang kaganapang moral na ayon sa mga teyologo. Ang ibig sabihin ng salitang Griego na “teleios” ay pagiging buo. Iyon bang ikaw ay hindi nahahati sa pagpapahalaga. Tanging sa Diyos lamang nakatuon ang lahat. Mahirap kapag nahahati ang puso — para sa mundo at para sa Diyos. Hindi tayo buo kung ang kalahati ng ating pagkatao ay para sa Diyos ngunit ang kalahati ay para sa mundo. Dapat ay makalangit lahat ng ating mga layunin at gawain. Sabi ng isang awitin, “Lahat, lahat ay aking ibibigay. Ibibigay pati aking buhay upang ibigin siya.” Kapag inibig natin ang Diyos, ibayong kasiyahan ang ating mararanasan. Kapag buong pagmamahal ang ating alay kay Jesus, ganap ding kaligayahan ang ating tatamasahin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024