Ebanghelyo: Lc 6: 36-38
“Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan – isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
Pagninilay
Dumami ang mga” plantito” at”plantita” sa panahon ng pandemya. Alam nila ang sikreto ng halaman. Kapag tinalbusan at inalisan ng mga sanga
at dahon ay lalong yumayabong. Ganyan din ang pagbibigay — “siksik, liglig at umaapaw.” May mga taong ayaw magbigay. Ayaw nilang magbahagi dahil baka sila mawalan mauubusan. Mali ang kanilang paniniwala. Walang matulungin na naging dukha. Higit pa nga silang sumagana.
Para silang halamang tinabasan ngunit lalo pang lumago. “A closed hand cannot receive.” Kapag itinikom mo ang iyong mga kamay at nagbuhos ng biyaya ang Diyos ay wala kang masasalo. Ibukas mo ang iyong palad at marami kang matatanggap — tunay na “siksik, liglig at umaapaw” pa. Saganang-sagana!
© Copyright Pang Araw-Araw 2024