SA GABING MADILIM
ni: Bro. Jess Matias
Bakit sa gabing itong madilim,
may hanging ‘di maipaliwanag?
Sa pagdating mula sa trabahong
mabigat pero walang asenso.
Labis-labis na pagod, daratnan
malamig na kanin, kaunting ulam.
Kulang sa paghihimagsik ng tiyan;
damit na hindi pa nalalaban.
Kay lungkot ng gabing ‘tong madilim!
Bakit wala na akong katabi?
Ni supling, hindi kami nagbunga.
Kahit luha, hindi tumutulo.
Hindi ko mapaandar ang T.V.,
‘di ko marinig, kanta sa radyo.
May ipis na sa maruming plato.
Isa na lang ang kandilang sindi.
Kay lungkot ng aking panalangin,
sa higaang wala nang katabi.
Matapos ang gabi ng trahedya …
nung siya’y sinugod ko sa ospital.
Bakit sa gabing noong madilim,
may hanging ‘di maipaliwanag?
Naghabol siya pilit ng hininga,
matapos sumikip, kanyang dibdib.
Kailan lang naman ang kanyang libing,
Lubog sa utang, ‘la pang lapida.
Naibuhos na, lahat ng luha,
sa ‘king maagang pagka-ulila.
May saysay pa ba, aking pagkayod?
Kinabukasang walang liwanag?
Sigaw ng puso, anong pag-asa,
Kapag wala na ang minamahal?
O Panginoon, tanging pag-ibig!
Gabayan mo ang solterong ito.
Ikaw lang, o Diyos, ang natitirang
lakas sa gabing itong madilim.