Ebanghelyo: Lucas 9:43b-45
Lubos na namangha ang lahat dahil sa kadakilaan ng Diyos. Nang lubos na nagtataka ang lahat dahil sa mga ginagawa ni Jesus, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Itanim ninyong mabuti sa inyong pandinig ang mga kataga kong ito: ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao.” Hindi nila naintindihan ang pahayag na ito at nalingid ito sa kanila upang hindi nila maunawaan. At takot naman silang magtanong sa Kanya tungkol sa pahayag na ito.
Pagninilay
“Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao.” Hindi naintindihan ng mga alagad ang pahayag ng ito ni Jesus at may kung anong humahadlang sa kanila upang maunawaan ito. O maaaring naunawaan nila ang tinuran ni Jesus ngunit nais itong itanggi ng kanilang mga puso at isip. Hindi kaya nagsisilbing hadlang ang takot na tanggapin na bilang mga tagasunod ni Jesus, sila rin ay nanganganib sa mga kamay ng tao. Sila rin ay uusigin at dadalhin sa kamatayan. Ang unang Pilipinong santo ay naging matapat na alagad at hindi natakot sa harap ng kamatayan. Tulad ni San Lorenzo Ruiz, matatag rin ba ang ating pananampalataya at handa rin nating sambitin: “Meron man akong isang libong buhay, isang libong beses ko rin itong iaalay.”© Copyright Pang Araw-Araw 2019