Ebanghelyo: Lucas 4:38-44
Pag-alis Niya sa sinagoga, nagpunta si Jesus sa bahay ni Simon. Inaapoy ng lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kaya’t pinakiusapan nila si Jesus tungkol sa Kanya. Pagkayuko ni Jesus sa Kanya, inutusan ni Jesus ang lagnat at nilisan Siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila.
Paglubog ng araw, dinala naman kay Jesus ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba’t-ibang karamdaman. Ipinatong Niya ang Kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit pinatatahimik Niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na Siya ang Mesiyas.
Nang mag-uumaga na, lumabas si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap Siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya’y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa Siya sa kanila. Pero sinabi Niya sa kanila: “Dapat ko ring ipahayag ang mabuting balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.
Pagninilay
Likas sa tao ang planuhin ang kayang buhay at kaakibat nito ang maraming tungkuling gagampanan depende sa kanyang katayuan. Kahanga-hanga ang mga magulang na inilaan ang kanilang panahon at buhay alang-alang sa kapakanan ng kanila mga anak, ngunit sa kabila nito nakakapaglaan pa rin sila ng panahon upang manalangin at magsimba. Naaalala ko ang kwento ng isang ama, noong ako ay dumalaw sa kanilang pamilya. Ang sabi niya sa akin, “buong araw po akong nagtratrabaho sa aking bukirin mula umaga hangang hapon, totoong nakakapagod ngunit kumukuha ako ng lakas galing sa Panginoon dahil sinisimulan ko at tinatapos ang aking araw sa pamamagitan ng panalangin.” Dagdag pa niya, “dahil dito nakapagpa-aral ako ng aking dalawang anak at kami ay nakakahaon sa hirap ang buhay. Kahit busy ang buhay naglalaan ako ng panahon pang maglingkod bilang isang Lay Minister sa aming simbahan.” Kapatid, paano mo nilalaan ang yung araw-araw na buhay?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021