Ebanghelyo: Lc 6: 20-26
Tumingala noon si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi: “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon sapagkat bubusugin kayo. Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon sapagkat tatawa kayo. Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraangpuri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta. Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa! Sawimpalad kayong mga busog ngayon sapagkat magugutom kayo! Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak! Sawimpalad kayo kapag pinaguusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.
Pagninilay
Mapapansin sa turo ni Jesus na madalas Niyang ipakita o iparinig sa Kanyang mga tagasunod ang pagbabaligtad ng kasalukuyang sitwasyon (reversal of situation). Sa isang bahagi ng Biblia mababasa ang “ang nauuna ay mahuhuli, at ang nahuhuli ay mauuna.” Sa
Lukas 14:11 ito rin ang mababasa, “Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.” Ganito din ang diwa ng mensahe ni Jesus tungkol sa mga mapapalad at sa mga sawimpalad (Lucas 6:20- 26). Sa mata ng tao, mapapalad ang tingin sa mga mayayaman at may-kaya sa lipunang nakakaranas ng kaginhawaan at karangyaan sa buhay. Mapalad rin sa lipunan ang mga taong masaya at nakakapag-enjoy ng kanilang buhay. Pinagpala rin ang mga artista at mga sikat na tao na bukod sa nasa sentro sila ng atensyon ng mga tao, dumadating pa ang napakaraming pagkakataon na habang sila ay naging tanyag, umaasenso pa sila sa buhay. Kung ang pagbabasehan ng pagiging mapalad ay ang pamantayan ni Jesus, ang mga taong nabanggit ay mga sawimpalad. Para kay Jesus, ang mapalad ay ang mga dukha, mga nagugutom, mga umiiyak, at ang mga iniinsulto at inaapi. Sadyang iba talaga ang pananaw ng Diyos sa pananaw ng tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024