Ebanghelyo: Juan 19:25-27 (o Lucas 2:33-35)
Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan.
Pagninilay
Noong ika-17 siglo, nalambat ng mga mangingisda sa Laguna de Bay ang larawan ng Our Lady of Sorrows. Iniwan nila ito sa pampang ng Pakil, at nang kinuha ito ng pari, nagdulot ito ng “malaking tuwa” sa mga taong nakasaksi ng pangyayari. Dito nagmula ang pangalang “Turumba”. Pagdating kay Maria hindi magkasalungat ang mga salitang “dalamhati” at “turumba” (malaking tuwa), kundi magkasunod. Masigla ang puso ni Maria dahil naging matapat siya sa Diyos, at nagsakripisyo siya dahil nagmahal siya ng tunay. Bunga ng mga pasya natin sa buhay ang kasiyahan, samantalang ang dalamhati naman ang siyang pagsubok na nagpapalakas sa atin at pagkakataon upang hanapin ang Diyos na nagbibigay tuwa at kapayapaan. Sundin natin si Jesus, sa halimbawa ni Maria, sa panahon ng hirap at ginhawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020