Ebanghelyo: Mateo 9:9-13
Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan siya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad.
Nangmakita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?”
Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagninilay
I pinagdiriwang natin ang Kapistahan ni Apostol San Mateo, na pinili ni Jesus upang maging alagad niya. Malaki ang pasasalamat natin sa kanya dahil sa isinulat niyang Mabuting Balita. Mas nakilala natin si Jesus, maging ang kanyang mga aral at gawa. Dahil dito, nararanasan natin ang dakilang pag-ibig ng Diyos hanggang ngayon.
Sa Ebanghelyo, nalaman natin ang uri ng pamumuhay noon at kung ano ang pagtingin kay San Mateo ng mga tao bilang isang maniningil ng buwis – isang makasalanan. Ngunit hindi si Jesus. Kaya’t tinawag ito at sinabihang sumunod sa Kanya. Magandang paalala sa atin na hindi mahalaga kung ano ang tingin ng mga tao sa atin. Ang mahalaga ay kung ano ang tingin ni Jesus sa atin. Ang tao ay sadyang mapanghusga at kadalasang may paniniwala tayo na ang taong naging masama ay hindi maaaring magbago pa. Para kay Jesus, ang tao ay laging mayroong pagkakataon para magbago at may likas na kabutihang taglay. Nawa’y patuloy tayong bigyan ng inspirasyon ni San Mateo na sumunod kay Jesus. Tinatawag din niya tayo at kailangan nating magdesisyon na mas piliin siya at iwan ang mga gawaing nagpapasama sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022