Ebanghelyo: Mt 28: 8-15
Agad nilang iniwan ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad. Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.” Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga punong-pari ang lahat ng nangyari. Nakipag-usap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, at tinagubilinan silang “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo. Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.” Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.
Pagninilay
Mayroon dalawang kwento tungkol sa Muling Pagkabuhay ni Jesus ang lumaganap ayon sa Ebanghelyo. Ang kwento ng grupo ng mga masugid na sumusunod at naniniwala kay Jesus at ang kwento ng mga mga taong hindi matanggap si Jesus at ang Kanyang mga ginawa. Ang unang grupo ay naniniwala na Siya’y muling nabuhay ayon sa Kanyang pinangako. Sa kabilang dako, ang kwento ng mga taong hindi naniniwala at pilit na iwinawaksi sa kanilang kasaysayan ang pagkatao ni Jesus at ang Kanyang mga itinuro at nagawa sapagkat ito ay salungat sa kanilang masasamang hangarin. Hindi ba’t ito rin ang nangyayari sa ating lipunan? Lumalaganap ang kasinungalingan at pilit na binubura ang katotohanan sa ating kasaysayan at ang mga taong tumatangkilik nito! Sa ating paghahanap ng katotohanan at pagnanais na ipahayag ito, minsan tayo’y nababalot ng takot at pagkabigo. Pinapakita ni Jesus na sa daan na ating tinatahak, tayo’y sasalubungin Niya at papanatagin ang ating kalooban. Nawa, ang alay ni Jesus na “Kapayapaan” sa Kanyang Muling Pagkabuhay ay manahan hindi lamang sa ating mga puso, maging sa ating simbahan at lipunan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024