Ebanghelyo: Juan 3:7b-15
Huwag kang magtaka dahil sinabi ko sa iyong kailangan kayong isilang mula sa itaas. Umihip ang hangin kung saan nito nais, at naririnig mo ang ihip nito pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan ito patungo. Gayon din nga ang bawat isinilang mula sa Espiritu.” Sumagot sa kanya si Nicodemo: “Paano pupuwede ang mga ito?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ikaw ang guro ng Israel at hindi mo alam ang mga ito? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo: ang alam namin ang aming sinasabi at ang nakita namin ang aming pinatutunayan, at hindi naman n’yo tinatanggap ang aming patunay. Mga bagay na nga sa lupa ang sinasabi ko sa inyo at hindi kayo naniniwala, kaya paano kayo maniniwala kapag mga bagay sa langit ang sasabihin ko sa inyo. Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit – ang Anak ng Tao. At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa disyerto, gayundin dapat itaas ang Anak ng Tao upang magkaroon ng buhay magpakailanman ang bawat nananalig sa kanya.
Pagninilay
Ang buhay ay dumadaloy at hindi titigil at maghihintay sa atin. Kinakailangan na makasabay tayo sa pagdaan nito. Kung kaya’t kinakailangan na may gagabay sa atin, na magtuturo sa atin ng tamang daan, at magdadala sa atin sa landas ng kasaganaan, kaginhawaan at kapayapaan. Maraming lilipas na karanasan na pagkukunan natin ng kaalaman at tanda ng buhay, ngunit mayroong isang tinig na magbibigay ng halaga sa paglipas ng panahon. Sa tulong at awa ng Diyos, tayo ang magiging tinig! Tayo ang manguna sa bawa’t hakbang! Tayo ang maging gabay! Pangunahan, tuturuan, at ipapakita natin sa iba at kapwa natin ang tunay na biyaya ng buhay. Pero nangangamba tayo! Bakit? Tulad ni Nicodemo, hindi natin alam ang kabuuan ng katotohanan ng buhay. Kaya hilingin natin sa Diyos ang biyaya ng pang-unawa at pagkabukas ng isipan natin. Ngayon nga ay nababatid natin na mahalaga ang buhay espiritwal ng tao, ang kanyang loobin, at ang kanyang diwa. Tunay, ang salita ng Panginoon ang tanging makapagbibigay ng lalim at linaw sa dignidad at karapatan ng buhay ng tao.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





