Ebanghelyo: Juan 3:16-21
Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman ang nananalig sa kanya. Ngunit hinukuman na ang hindi nananalig pagkat hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos. Ito ang paghuhukom: dumating sa mundo ang liwanag pero mas minahal pa ng mga tao ang karimlan kaysa liwanag sapagkat masasama ang kanilang gawa. Ang gumagawa ng masama’y napopoot nga sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, at baka malantad ang kanyang mga gawa. Lumalapit naman sa liwanag ang gumagawa ng katotohanan upang mabunyag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.
Pagninilay
Napakadakila ng ating Panginoong Diyos dahil sa malalim niyang pagmamahal ay ipinagkaloob niya ang bugtong niyang anak para ang lahat ay magkaroon ng buhay magpakailanman. Sa dakilang paghahandog na ito, dumating ang tunay na ilaw ng mundo, ang ilaw ng katotohanan ng kabutihan ng Diyos. Sa kabila na ipinadala ng Ama ang kanyang anak upang mailigtas ang buong sanlibutan, bakit tila hindi lahat ay nagagalak sa kaniyang pagdating? Hindi lahat ay nananalig sa kaniya? Ayaw ba nating magkaroon ng buhay magpakailanman? Hindi dumating ang anak ng Diyos sa piling natin upang tayo ay husgahan. Dumating siya upang ipagsanggalang tayo sa di maiwasang paghuhusga sa katapusan ng panahon. Kaya ang paanyaya sa atin ay kumapit sa Panginoon, kay Jesucristo. Tayo’y manatili sa kaniyang Liwanag at lumayo sa
karimlan ng siguradong magdadala sa atin sa kamatayan. Dumito tayo sa Liwanag ng buhay dahil tayo ay nilikha bilang mabubuting tao at napagkalooban ng kakayahang gumawa ng kabutihan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





