Ebanghelyo: Juan 3:31-36
Walang kapantay ang naparirito mula sa itaas. Makalupa naman ang mula sa lupa at makalupa rin ang sinasabi niya. Walang kapantay ang naparirito mula sa langit. Pinatutunayan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit wala ngang tumatanggap sa kanyang patunay. Pinagtibay naman ng tumanggap sa kanyang patunay na totoo ang Diyos. Sinasabi nga ng sinugo ng Diyos ang mga salita ng Diyos sapagkat walang sukat na ibinibigay sa kanya ang Espiritu. Mahal nga ng Ama ang Anak, at ipinagkatiwala sa kanyang mga kamay ang lahat. May buhay magpakailanman ang nananalig sa Anak. Hindi naman nakikita ng ayaw manalig sa Anak ang buhay kundi namamalagi sa kanya ang galit ng Diyos.
Pagninilay
“Mahal nga ng Ama ang Anak, at ipinagkatiwala sa kaniyang mga kamay ang lahat.” Tiwala! Ito’y isang pag-uugali ng tao na kapag naisabuhay natin ay tiyak na napakalaki ng respeto at paghanga ang matatanggap natin sa kapwa at kumonidad. Walang pagdadalawang-isip na ilalagay ng kapwa natin ang kanilang buhay sa ating mga kamay. Nguni’t kapag ito ay nabali at nasira natin ay tunay na napakahirap ibalik at walang kahit sino man ang magsusugal ng kanilang buhay sa kamay natin. Ang pagbali ng tiwala ay isang sumpang dadalhin natin sa habang panahon. Sa kabilang banda, kung tayo nama’y isang taong mapagkakatiwalaan, sinisigurado na magpasawalang hanggan din ang pagkilala at pagpapahalaga sa ating buong pagkatao at pagka-Kristiyano. Tunay na lubos at napakalalim ng pagmamahal ng Ama sa Anak. Sa kamay ni Jesus ipinagkatiwala ang buong sangnilikha at ang lahat ng buhay at kabuuan ng buhay, hanggang sa ibigay din ng Diyos Anak ang katuparan ng pangako ng Buhay na walang hanggan. Ito rin ang panawagan sa atin na ipagkatiwala natin ang buhay natin kay Jesus, ang Tagapagligtas nating totoo.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





