Ebanghelyo: Marcos 16:9-15
Pagkabuhay ni Jesus sa unang araw ng sanlinggo, una siyang napakita kay Maria Magdalena na mula rito’y pitong demonyo ang pinalayas niya. Umalis ito at nagbalita sa mga kasama ni Jesus na noo’y umiiyak at nagluluksa. Ngunit hindi sila naniwala sa kanya nang marinig nilang buhay si Jesus at napakita sa kanya. Pagkatapos nito, napakita naman si Jesus sa ibang anyo sa dalawa sa kanila habang papunta sila sa labas ng bayan. At pagbalik nila, ibinalita rin nila ito sa iba pa per hindi rin naniwala ang mga ito sa kanila. Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, napakita sa kanila si Jesus at pinagsabihan sila dahil sa kawalang-paniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin. At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal.
Pagninilay
Ang ebanghelyo ngayon ay nagpapaalala kung ano ang dapat nating makita at maipahayag: na si Jesus ay Muling Nabuhay. Sa papaanong paraan? Di man tayo isa sa mga unang nakasaksi sa Muling Pagkabuhay ni Jesus, patuloy pa rin natin itong nasasaksihan ngayon. Sa Banal na Misa, sa mukha ng mga dukha, sa mga taong nangangailangan ng aruga at kalinga, sa mga nangangailangan ng tulong, at maging sa ating kapaligiran. Ano ang wika ni Jesus, ano ang ginawa ninyo sa inyong kapwa ay siya ring ginawa ninyo sa akin. Sa Banal na Misa, patuloy nating kinikilala si Jesus bilang tagapagligtas, at dahil sa ginawa niyang sakripisyo tayo ay nagpapasalamat at nakikiisa sa kanyang Gawain at patuloy natin itong inaalaala. Sa panahon ngayon, dapat tayong maging maingat at manalangin sa Diyos na pagkalooban tayo ng lakas upang harapin ang anumang naglilihis sa atin sa tamang landas. Tayong lahat ay inaanyayahan na makiisa sa misyon ni Jesus. Tandaan na walang imposible sa mga taong nananalig at umaasa sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020