Ebanghelyo: Juan 10:22-30
Piyesta ng Pagtatalaga sa Jerusalem, taglamig noon. Palakad-lakad si Jesus sa Templo sa patyo ni Solomon, at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: “Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang lantaran.”
Sinagot sila ni Jesus: “Sinabi ko na sa inyo pero hindi kayo naniniwala. Nagpapatunay tungkol sa akin ang mga gawang tinatrabaho ko sa ngalan ng aking Ama. Ngunit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa.
Dinidinig ng aking mga tupa ang aking tinig at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Buhay magpakailanman ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila kailanman mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa kamay ko. Mas dakila sa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami: ako at ang Ama.”
Pagninilay
Habang tumatagal ay lalong nagiging mapanganib ang mundong ating ginagalawan. May pangambang nararamdaman ang mga magulang para sa kanilang mga anak. Maraming mga elemento ang kumakalaban sa buhay: kriminalidad, ipinagbabawal na gamot, imoralidad, kalamidad kaguluhan, sakit at kung anu-ano pa. Maging sa buhay pananampalataya ay meron ding mga pagsubok. Sa gitna ng lahat ng ito, wala tayong ibang hangad kundi ang kaligtasan. Dalawang bagay ang ating mapanghahawakan at maaasahan na winika ni Jesus sa ebanghelyo: walang makakaagaw sa atin mula sa mga kamay ni Jesus at walang makakaagaw sa atin mula sa kamay ng Ama. Tangan tayo ng mapagpalang kamay ng Diyos kung kaya’t walang dapat ipangamba. Subalit tulad ng mga tupa, marapat na tayo’y makinig sa Kanyang tinig.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021