Ebanghelyo: Lc 1: 39-56
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalangalang niya ang abang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
Pagninilay
Tatlong mga relihiyon ang itinuturing na Semitic Religions.: Ang Judaismo, Kristiyanismo, at Islam. Sila ay kumikilala kay Abraham na isang patriyarka ng Lumang Tipan, na siya ring tinatawag na Biblia ng mga Hebreo. Bagamat iisa ang pinagmulan, maraming pagkakaiba ang tatlong relihiyon na ito. Isa sa pinakatanyag na pagkakaiba ay ang pagtingin at pagpaparangal sa papel ng mga kababaihan sa simbahan, lipunan, at sa buong sangkatauhan. Dahil sa kakaibang pakikitungo ni Jesus sa mga kababaihan na nakasalamuha Niya ayon sa Banal na Kasulatan, tanging ang Kristiyanismo lang ang relihiyong nakapagbibigay ng tunay na pagpapahalaga sa katauhan at papel ng mga babae bilang anak ni Abraham at anak ng Diyos. Wala ng hihigit pa siguro sa papel na ginampanan ng Mahal na Birheng Maria bilang isang babae na pinagpala sa lahat ng mga kababaihan at hinirang bilang Ina ni Jesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos. Bukod tanging biyaya ang ibinahagi ng Diyos kay Maria na ipinanganak na walang bahid ng kasalanan (Dogma of the Immaculate Conception) at umakyat sa langit (Mystery of Assumption) na may katawan na hindi nakaranas ng kamatayan, at ngayon ay kinikilalang Ina ng Diyos, Ina ng Simbahan, at Ina ng Langit at ng Lupa.
© Copyright Bible Diary 2024