Ebanghelyo: Mateo 19:23-30
At sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa kaharian ng Langit.”
Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: “Imposible ito para sa tao; pero para sa Diyos, lahat ay posible.”
Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?”
Sumagot si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag upo ng Anak ng Tao sa Kanyang trono nang buong luwalhati, uupo rin kayo sa labindalawang trono para maghari sa labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa ngalan ko, tatanggap Siya ng sandaang beses at makakamit ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.
Pagninilay
Noong 1992 Olympics, si Derek Redmond ay isang atleta sa palarong sprint o takhuban. Sa pagsisimula ng karera, naunahan niya ang lahat. Ramdam na niya ang pagwawagi. Ngunit ilang metro bago ang finish line, bigla siyang huminto, lumuhod at tumungo. Sa kaniyang unti-unting pagtayo ay makikita ang bakas ng hirap sa kaniyang mukha, ito ay dahil napunit ang litid ng kaniyang hita. Sa kabila ng sakit, pinilit parin niyang lumakad dahil ang sabi niya sa kaniyang sarili ay kahit hindi na siya manalo, nais lamang niyang tapusin ang labang ito. Ilang sandali pa ay lumapit ang isang lalaki, ito ay kaniyang ama. Pinaalalahanan siya nito na hindi niya kailangang tapusin ang laban pero dahil pangarap ito ni Derek, inakay niya ang anak at tinapos ang laban ng magkasama. Marahil para rin tayong si Derek, minsan akala natin kailangan nating mauna at maging magaling sa lahat ng bagay. Ngunit pinapaalalahanan tayo ng Ama na kahit huli man tayo sa paningin ng mundo, mahalaga pa rin na busilak ang ating puso. Sa gayong paraan, tayo ay aakayin ng Diyos sa ating paglalakbay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021