Ebanghelyo: Mateo 20:1-16
Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang isang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo Siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta na Niya sila sa ubasan.
Lumabas din Siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita Niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya sinabi Niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila.
Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa Niya. Lumabas din Siya sa huling oras ng paggawa at nakita Niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya sinabi Niya sa kanila: ‘Bakit kayo nakatayo lang at maghapong walang ginagawa?’ Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.’ Sinabi Niya: ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’
Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa Kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-isang dinaryo (isang baryang pilak). Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng tig-isang dinaryo. Kaya pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari.
Ang sabi nila: ‘Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito, at ipinapantay mo sila ngayon sa amin na maghapong nagtrabaho sa init ng araw.’ Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Kaibigan, hindi ko kinukuha ang sa iyo. Di ba’t nagkasundo tayo sa isang dinaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa iyo. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’
Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”
Pagninilay
“I deserve this!” Ito ay isang linya na kadalasan nating nababasa sa social media. Ito ay isang gantimpala matapos malampasan ang isang mahirap na sitwasyon. Ang isang anak na nakapasa sa mahirap na pagsusulit ay papayagang lumabas kasama ang kaibigan kasi karapat-dapat siya. Isang empleyado na ginagawang araw ang gabi para lamang tumaas ang kita ng kumpanya ay karapat-dapat para sa malaking bonus. Marami pang mga ganitong pagkakataon sa ating buhay. Kadalasan naiisip nating mas higit tayong naghirap kaysa sa iba kaya mas may karapatan tayo sa gantimpala. Ngunit may natatangi tayong mga karanasan sa buhay na hindi tayo karapat-dapat pero ibinigay parin sa atin. Ito ang awa at habag na mula sa Diyos. Nawa sa ating buhay ay maipakita rin natin sa ating kapwa ang awa at habag na patu-patuloy nating nakakamit mula sa Ama. May mga taong maaaring hindi karapat-dapat sa ating paningin, ngunit sa mata ng Diyos, lahat tayo ay karapat-dapat. Maging instrumento nawa tayo ng awa at habag ng Diyos para sa ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021