Ebanghelyo: Mateo 22:34-40
Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?”
Sumagot si Jesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may ikalawa pa na tulad nito: Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”
Pagninilay
Ang mga Utos ng Diyos ay siya ring mga Batas na ibinigay dahil sa Kanyang malasakit at pagmamahal sa mga tao. Ito ang nagsisilbing gabay natin tungo sa isang mapayapang pamumuhay at pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapwa. Sa paglipas nang panahon, ang mga Utos na ito ay dinagdagan ng mga taong inaasahang magtuturo at magpapatupad nito. Gaya ng mga pariseo, imbes pagaanin ang buhay ng mga tao ay naging mas pahirap pa ito. Ang mga pariseo ang mga eksperto pagdating sa mga batas. Subalit ang kanilang kaalaman ay ginamit sa kanilang pansariling intensyon. Nakalimutan na nila ang pinakaPUSO ng mga Utos.
Ito rin ang nagiging problema natin ngayon. Madalas sinasabing pasaway ang mga tao. Lalo na nang magkaroon ng pandemya. Maraming mga “batas” ang ipinatupad. Mga batas na mas nakakalito. Mga batas na hindi pinag-isipan. Mga batas na malayo sa batas na ipinaguutos ng Diyos. Sa tingin ko, walang problema sa batas o maging sa ating konstitusyon. Ang problema ay ang mga “mambabatas” o mga taong gumagawa ng batas. Hindi nila ito nilalagyan ng puso. Mahirap kung puro talino lang. Kaya mahalagang pumili ng mga mambabatas na hindi lang matalino at gumagamit ng utak, siya rin ay dapat may puso. Ang bawat batas ay dapat may pagkilala sa Diyos at paggalang sa kapakanan ng kapwa. Ito ang mas nais ni Jesus na maintindihan nating mabuti.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022